
Ipinaaaresto na ng korte ang negosyante at gaming tycoon na si Charlie “Atong” Ang, na itinuturong umano’y mastermind sa pagkawala ng ilang sabungero ilang taon na ang nakalipas.
Batay sa inilabas na arrest warrant ng Regional Trial Court Branch 26 ng Sta. Cruz, Laguna, nahaharap si Ang sa kasong kidnapping with homicide kaugnay ng tinaguriang missing sabungeros.
Walang inirekomendang piyansa ang korte laban kay Ang at sa iba pang mga akusado sa nasabing kaso.
Ito ang kauna-unahang arrest warrant na inilabas laban sa negosyante, na nahaharap din sa iba pang kasong may kaugnayan sa insidente sa San Pablo City, Laguna at Lipa City, Batangas.
Matatandaang noong Disyembre ay naglabas ng resolusyon ang Department of Justice na nag-aatas na isampa sa korte ang kaso laban kay Ang, matapos matukoy na may sapat na ebidensiya upang ituloy ang paglilitis at posibleng mahatulan sa naturang krimen.










