Byahe sa Visayas at Mindanao, sinuspinde dahil sa Bagyong Bising

Naglabas na ng suspension order ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa lahat ng sasakyang pang-lupa papunta at palabas ng Visayas at Mindanao.

Ito’y bilang paghahanda lamang sa inaasahaang pagtama ng Tropical Storm Bising.

Kasama rin sa suspendido ang paglalayag ng mga fishing vessels na manggagaling ng Matnog sa Sorsogon sa Region 5.


Alinsunod na rin ito sa kahilingan ng Office of Civil Defense Region 5 na aprubado ng National Disaster Risk Reduction and Management Council – Emergency Operations Center.

Ngayon pa lamang ay pinapayuhan na ng Department of Transportation (DOTr) ang mga trucking at bus companies na huwag nang tumuloy pa para maiwasan ang mahabang pila ng mga stranded na sasakyan sa Matnog, Sorsogon, maging sa Daraga, Albay.

Batay sa severe bulletin na inilabas ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), pumasok na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Bagyong Bising na may taglay na lakas ng hangin na 130kph at bugsong aabot sa 160kph at ang tinutumbok na lugar ay ang bahagi ng Surigao del Norte.

Facebook Comments