DILG, pinasusumite na sa mga LGU ang listahan ng mga tricycle driver na tatanggap ng fuel subsidy

Mayroon na lamang hanggang April 26 ang mga Local Government Units (LGUs) para maisumite sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ang listahan ng mga tricycle driver na makakatanggap ng fuel subsidy.

Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya, ang listahan ay dapat ma-certify ng local chief executives, head ng tricycle franchising board, at head ng local Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) bago isumite sa kanilang regional offices.

Aniya, layon nito na matiyak na tama at lehitimo ang mga impormasyong ipapasa sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), na nakatalaga sa pamamahagi ng subsidy sa transport sector na lubhang apektado ng sunod-sunod na oil price hike.


Sinabi pa ni Malaya na ipinag-utos din ni DILG Sec. Eduardo Año sa mga LGU na maglagay ng assistance desk o hotline para matugunan ang mga concern at reklamo tungkol sa pamamahagi ng tulong.

Makakatanggap ng P6,500 na tulong pinansyal ang mga driver ng pampublikong sasakyan para makatulong sa epekto ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis.

Sa ilalim ng subsidy program, ang mga benepisyaryo ay mga driver ng public utility vehicles (PUV), taxi, tricycle, ride-hailing apps, at delivery services.

Facebook Comments