Target ng professional regulatory commission (PRC) na gawin nang full-time computer-based o digital ang mga isinasagawang licensure examination sa susunod na taon.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Lord Louise Valera, Director ng PRC na ito na ang target ng kanilang ahensya.
Sa katunayan aniya ay nagsimula na sila sa sistemang ito noong Disyembre ng 2021 para sa mga geologist.
Nasundan pa aniya ito sa iba namang propesyon nitong Pebrero, Agosto, Setyembre at ngayong Oktubre ng kasalukuyang taon.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Valera na patuloy pa rin ang face-to-face licensure examination na kanilang ginagawa batay sa nauna nang joint administrative order na inisyu sa pagitan ng PRC, Department of Health (DOH) at Philippine National Police (PNP) kung saan tinutugunan ang mga kritikal na isyu kaugnay sa pagsasagawa ng exam sa gitna ng patuloy na pandemya ng COVID-19.
Kabilang dito ang mga dapat na mga hakbang at safety protocols tulad ng kung ilang examinees lamang ang dapat na magkakasama sa isang lugar, ano ang dapat nilang isuot, pagbabawal na makalabas sila sa panahon ng examination kaya kailangan ay magdala na lamang ng baong pagkain at iba pa.
Ngunit dahil balik na sa normal ang sitwasyon at may kumpiyansa na ang mga examinees at personnel, may mga pag-amyenda aniya silang gagawin sa mga patakaran sa mga susunod na mga araw nang naayon pa rin sa kaligtasan, security at kredibilidad ng examination.