Grupo ng mga guro sa Quezon City, nagpaabot ng tulong at pakikiramay sa kasamahan nilang nasawi sa aksidente sa Orani, Bataan

Nagpaabot ng pakikidalamhati at panalangin ang Quezon City Public School Teacher Association sa pamilya ng mga kasamahan nilang nasawi at nasugatan sa nangyaring aksidente sa Orani, Bataan, kahapon.

Ayon kay Cris Navales, pangulo ng QCPSTA, ikinalulungkot nila ang sinapit ng mga kapwa nila guro.

Handa aniya ang kanilang asosasyon na magpaabot ng tulong sa pamilya ng nasawi at ng iba pang nasaktan sa aksidente.


Nanawagan din sila sa mga eskwelahan sa lungsod na mag-alay ng panalangin sa kasamahan nilang nasawi.

Samantala, nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon sa aksidente.

Batay sa inisyal na ulat ng mga awtoridad, binabagtas ng bus na sinasakyan ng mga guro ang kahabaan ng Barangay Tala nang magkaroon ng mechanical failure at nawalan ng preno kung kaya’t nawalan ng kontrol ang driver at nahulog sa bangin na may lalim na 15 metro.

Isang guro ang nasawi sa aksidente habang higit 20 ang sugatan.

Facebook Comments