Dating child pop singer Aaron Carter, natagpuang patay sa kanyang bahay – reports

Pumanaw na sa edad na 34 ang dating child pop singer na si Aaron Carter.

Sa impormasyon mula sa Los Angeles County Sheriff’s Department, bandang alas 11:00 ng umaga nitong Sabado nang matagpuang wala nang buhay sa bathtub sa kanyang tirahan sa Lancaster, California si Carter.

Wala pang inilalabas na detalye hinggil sa posibleng dahilan ng kanyang pagkamatay.


Si Carter ay nakababatang kapatid ng Backstreet Boys member na si Nick Carter.

Siyam na taong gulang lang si Carter nang sumikat siya bilang pop singer.

Kabilang sa kanyang mga hit songs ay ang “I Want Candy” at “Crush on You.”

Nakilala rin siya sa kanyang pagganap sa ilang television shows kabilang ang “Lizzie McGuire,” “7th Heaven,” at kanyang family reality series na “House of Carters.”

Taong 2017 nang maaresto siya sa Georgia dahil sa pagmamaneho sa ilalim ng impluwensya ng marijuana.

Ilang beses siyang sumailalim sa drug rehabilitation, kung saan pinakahuli ay nito lamang umpisa ng taon, bilang pagsusumikap na mabawi ang kustodiya ng kanyang anak na si Prince.

Facebook Comments