Nasa 100 pasahero ang stranded sa Manila North Harbour sa lungsod ng Maynila.
Ito’y dahil hindi sila nakasakay ng barko bunsod ng mga hinihinging requirements tulad ng resulta ng swab test.
Aminado ang ilang pasahero na hindi na sila sumalang sa swab test dahil una na nilang inakala na hindi na ito kailangan.
Ang iba sa kanila ay ilang araw nang nagpapalipas sa labas ng nasabing pier kung saan nanatili sila rito mula nang ipatupad ang mahigpit na General Community Quarantine o NCR Plus bubble.
Dismayado naman ang ibang pasahero na nakakuha na ng resulta ng RT-PCR test dahil hindi umano sila inabisuhan na ang uuwian nilang probinsiya ay nagpatupad pala ng lockdown.
Ang mga essential workers naman tulad ng mga tulad ng mga pulis, militar, nars, Authorized Persons Outside Residence (APOR), mga papaalis at papauwing OFW, medical frontliners at mga opisyal ng gobyerno ang pinapayagan makasakay ng barko.
Umaasa ang mga pasahero na maglalabas ng panuntunan ang pamunuan ng Manila North Harbour upang alam nila ang mga dapat gawin.