Umabot na sa 97.5% ng mga pampublikong paaralan sa bansa ang nakapagpatupad na ng 5 araw na in-person classes.
Ito ang iniulat ni Department of Education (DepEd) Spokesperson Atty. Michael Poa sa pulong balitaan kanina.
Ayon kay Atty. Poa, maayos naman sa pangkalahatan ang naging pagbubukas ng klase base sa mga report na tinanggap sa regional offices.
Paliwanag pa ni Atty. Poa, sadyang may mga paaralan lang umano talaga na hindi pa 5 araw na in-person classes dahil sa napinsala ng kalamidad at kulang sa pasilidad.
Sa ngayon, 2.36 percent pa umano ng pampublikong paaralan ang nagsasagawa ng blended learning.
Samantala, sinabi naman ni Atty. Poa na 435 na paaralan pa rin ang ginagamit na evacuation center dahil sa pananalasa ng Bagyong Paeng.
Maliban dito, mayroon ding 324 na mga paaralan ang nagtamo ng pinsala pagdating sa imprastraktura.