Ibinabala ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang krisis sa agrikultura kapag hindi natugunan ang nakakaalarmang pagtaas sa presyo ng fertilizers na halos nag-triple sa loob ng nakalipas na 18 buwan.
Kaugnay nito ay pinapakilos ni Zubiri ang Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) para magtulungan sa paghanap ng solusyon.
Pinaalala rin niya, nang ipasa nila ang budget ng DA ngayong taon ay kasama ang colatilla na magsusumite ito ng plano para masolusyunan ang mataas na presyo ng fertilizer.
Dismayado si Zubiri na hanggang ngayon ay bigo ang dalawang ahensya na tingnan ang kapakanan ng sektor ng agrikultura at walang ginagawa sa tumataas na presyo ng mga kailangan sa pagsasaka tulad ng fertilizer, binhi at makinarya.
Iminungkahi ng senador na pwedeng maging solusyon ang pagtaas subsidiya sa mga magsasaka, gayundin ang pagpasok sa public-private partnership agreement para sa produksyon ng fertilizer.