Mga ahensiyang nangangasiwa sa lagay ng kuryente sa bansa, pinagpulungan na ang nararanasang brown-out sa Luzon Grid

Nagpulong na ang Department of Energy (DOE) kasama ang mga kinatawan ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at GNPower Mariveles Energy Center.

Ito ay upang pag-usapan ang pagpalya ng isang planta sa Mariveles, Bataan dahilan upang lumiit ang suplay ng kuryente at ilagay ang Luzon Grid sa Red Alert mula 5am hanggang 6am at 6pm hanggang 10pm; habang sa Yellow Alert naman ay 9am hanggang 10am, 5pm hanggang 6pm at 11pm hanggang 12mn.

Ayon sa DOE, ang minimum capacity ngayon ay nasa 11,408 megawatts habang ang peak naman ay nasa 11,593 megawatts.


Upang mapanatili ang balanseng sistema sinabi pa ng DOE na maaaring ipatupad ng NGCP ang manual load dropping o ang rotational brown-out sa ilang bahagi ng Luzon upang mapanatili ang integridad ng power system.

Sa ngayon, nanawagan ang DOE sa Energy Regulatory Commission (ERC) na tignan ang mga outages nito at gamitin ang regulatory functions habang ang sangay ng DOE ay sosolusyunan ang problema.

Facebook Comments