
Naipit ang 31 Pinoy sa Doha Hamad International Airport na dapat ay uuwi ng bansa ngayong araw.
Ito’y dahil sa nakasarang airspace ng Qatar at Bahrain.
Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, kasalukuyan muna silang nananatili kasama ang na-repatriate na Overeseas Filipino Workers (OFWs) sa airport para maging ligtas mula sa panganib na dulot ng sigalot sa pagitan ng Israel at Iran.
Ang 26 sa mga naturang Pinoy ay mula Israel, tatlo sa Jordan, isa sa Palestine at isa sa Qatar.
Sa ngayon, wala pang tiyak na oras kung anong oras makakarating ang na-delay na flight ng mga naturang Pinoy kasama ang mga opisyal mula sa DMW at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Una nang pinayuhan ng embahada ng Pilipinas ang lahat ng mga Pilipino sa Qatar, Israel, Iran at Estados Unidos na maging alerto at maging mapagmatyag sa paligid.









