Dumami ang pasyenteng na-admit sa mga pribadong ospital dahil sa dengue.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Dr. Rene de Grano, Presidente ng Private Hospitals Association of the Philippines, Inc. (PHAPi) na karamihan sa mga pasyente ay galing mismo sa National Capital Region (NCR).
Aniya, nangangahulugan ito na hindi masyadong napagtutuunan ng pansin o nababantayan ang paglilinis sa kapaligiran.
Kaya naman paalala ni De Grano na importante ang laging paglilinis sa paligid lalo na ang mga lugar na madalas pamugaran ng mga lamok na may dalang dengue virus.
Sinabi ni De Grano, dapat maging aktibo ang mga barangay sa paghimok sa kanilang mga residente na maglinis ng kani-kanilang paligid o ang 4 o’clock habit.
Batay sa kampanya ng Department of Health, dapat obserbahan o sundin ang 4s strategy laban sa dengue o ang “search and destroy” sa lahat ng breeding places ng lamok; self-protection o pagsusuot ng tamang damit at paglalagay ng mosquito repellent; seek early consultation; at support fogging or spraying sa mga hotspot areas para maiwasan ang outbreak.