Tiniyak ng National Unity Party o NUP ang patuloy na suporta kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na siyang vice chairman ng partido.
Ginawa ng NUP ang pahayag sa gitna ng hamong kinakasadlakan ni Remulla ngayon matapos mahuli ang anak dahil sa iligal na droga.
Nakasaad sa pahayag ng NUP na kilala nila si Secretary Remulla sa loob ng mahabang taon at ang mahusay na pagtupad nito sa trabaho at pagmamahal sa bayan ay walang kapantay.
Pinuri rin ng NUP ang agad na pagtiyak ni Secretary Remulla na hindi ito makikialam o gagamit ng impluwensya sa kaso ng anak.
Kumpyansa ang NUP na sa pagiging makapabayan at pamumuno sa Department of Justice (DOJ) ay palaging uunahin ni Remulla ang pambansang interes kumapra sa personal na interes.
Batid ng NUP na bilang isang taong maprinsipyo ay palaging itataguyod ni Remulla ang batas at tiyak na gugulong ng tama ang sistema ng ating hustisya.
Ang pahayag ng NUP ay nilagdaan ng chairman nito na si Ronaldo Puno at presidente na si Camarines Sur 2nd District Rep. Luis Raymund ‘LRay” Villafuerte.