Aprubado na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang paglikha ng Water Resource Management Office o WRMO.
Ayon kay Presidential Communications Office Secretary Cheloy Garafil, ito ay para masiguro ang sapat na suplay ng tubig sa lahat ng panig ng bansa.
Ang WRMO ang mangangasiwa sa water resources ng bansa at sagot sa kasalukuyang mga hamong pangkalikasan sa pamamagitan ng mga hakbangin ng gobyerno sa tulong ng lahat ng sector ng lipunan.
Sa isinagawang multi-sectoral meeting sa Malacañang, tinalakay ng presidente ang kahalagahan ng pagpaplano kaugnay ng pangangasiwa sa tubig.
Iminungkahi ni Pangulong Marcos na ang unang aksyong dapat gawin ng lilikhaing WRMO ay bawasan ang pagiging dependent ng bansa sa groundwater at deep wells.
Naniniwala ng pangulo na may sapat na suplay ng tubig sa Pilipinas hindi lamang aniya ito maayos na ginagamit maging ang naaaksaya lamang.
Isang executive order ang inaasahang ipalalabas ng Palasyo kaugnay rito para magkaroon ng ugnayan ang National Water and Resources Board, Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at Local Water Utilities Administration (LWUA) at iba pang ahensiya sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na may kinalaman sa tubig para sa ipatutupad na water management programs.
Ang WRMO ay maipapasa sa ilalim ng DENR at magiging transitory body habang binubuo pa ang water resources department.