Handang isakripisyo ni Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno ang ginagawa nilang pangangampanya partikular na ang pagbisita sa iba’t ibang lugar sa oras na magkaroon muli ng “surge” o pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ito ang ipinahayag ni Mayor Isko na siyang standard bearer ng Aksyon Demokratiko, sa isinagawang panayam kasabay ng kanilang “Blue Wave Caravan” sa unang araw ng opisyal na pangangampanya ng mga national candidates.
Ayon sa alkalde, mas prayoridad nila ang buhay at kabuhayan ng mga tao kaysa sa isinasagawa nilang pangangampanya dahil mas iniisip niya ang kalagayan ng bawat mamamayan sa bansa partikular na ngayong nasa panahon ng pandemya.
Bago ginanap ang nasabing caravan, dumalo sa isang misa si Domagoso kasama ang kanyang running mate na si Dr. Willie Ong gayundin ang kanilang senatorial slate na sina Carl Balita, Atty. Jopet Sison, at Samira Gutoc upang makapagpasalamat at humingi ng gabay gayundin ang hiling na matapos na ang nararanasang pandemya.
Sinimulan ang caravan sa simbahan kung saan umikot sa Tondo area partikular na kung saan nanirahan at lumaki si Yorme at dinaanan din ng nasabing caravan ang ilang bahagi ng kalsada ng anim na distrito ng Maynila.
Nagpasalamat naman si Mayor Isko sa mga taga-suporta na nagpakita ng mainit na pagtanggap at pagsama sa motorcade dahil sa dami ng sumama.
Samantala, sa pagsisimula ng kampanya sa national election ay tiniyak ni Mayor Isko na ang iiwanan niyang Maynila ay maipagpapatuloy ng mga kasalukuyang nakaupo rito.
Bukas din si Yorme sa mga nais pang sumama sa kanilang partido pero aniya kailangan ay iisa lamang ang kanilang presidente.
Sa ngayon, isinasagawa na ang programa sa proclamation rally sa Kartilya ng Katipunan at bukod sa buong partido ni Mayor Isko kabilang sa magsasalita ang ilang kilalang bisita na dati at kasalukuyang opisyal ng pamahalaan.