Posibleng tumaas ng 25 centavos kada cubic meter ang bayarin sa tubig sa darating na Enero 2023, dahil sa paghina ng piso kontra dolyar.
Kinumpirma ito ni Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) Regulatory Office Chief Patrick Ty, matapos ang ginawang pagpupulong ng kompanya sa Maynilad.
Ang nasabing pagtaas ay bahagi ng “rate rebasing” o review na ginagawa ng Maynilad at Manila Water kada limang taon, para malaman ang kabuuang halaga ng bayarin na kailangan nitong singilin sa mga konsyumer.
Inaasahang matatapos ang nasabing review sa darating na Oktubre.
Matatandaang hinatulan din ng MWSS kamakailan ang Maynilad ng P9.2 million na multa dahil sa pagkaantala ng serbisyo nito sa mga konsyumer noong buwan ng Mayo hanggang Hulyo.
Ang nasabing multa ay magsisilbing rebate sa bayarin ng mga naapektuhang kostumer sa darating Nobyembre.