Panahon na umano para tiyakin ng Office of the Ombudsman na ang lahat ng reklamong ihinahain dito ay may kalakip na matibay na ebidensya at batayan.
Ito ang sigaw ngayon ni dating Congresswoman Mitch Cajayon-Uy matapos ang ginawang pag-absuwelto ng Sandiganbayan sa kasong kriminal na isinampa sa kanya noong siya pa ang kongresista sa Second District ng Caloocan City.
Kabilang sa reporma na nais ng dati ring executive director ng Council for the Welfare of Children ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay ang mas mahigpit na proseso sa pagsusuri bago i-akyat sa korte ang asunto upang hindi masayang ang oras at pondo ng gobyerno.
Sa kanyang naging kaso, isang marites o tsismosa lang na walang totoong pangalan ang naghain ng gawa-gawang kwento pero kataka-taka aniyang nai-akyat pa ito sa Sandiganbayan.
Malinaw aniya na nagagamit na sa pulitika ang Ombudsman.
Batay sa datos na hawak ni Cajayon, mula sa P4.82 bilyon na badyet ng Ombudsman noong 2019, P643.2 milyon o 51% ang ginastos sa anti-corruption investigation program nito, na ang resulta ay 17.88% lamang ng natanggap na reklamo ang nasampahan ng mga kasong kriminal at administratibo.
Bagama’t absuwelto na, tanong ni Cajayon ngayon, paano na ang perwisyong idinulot ng walang basehang kaso sa kanyang pamilya sa loob ng anim na taon.
Paliwanag ni Cajayon, kaisa siya ni Ombudsman Samuel Martires at ng gobyerno sa pagpapunlad sa anti-graft agency pero mas makukuha aniya ang inaasam na pagbabago at pagtitipid ng pondo kung maisasaayos ang umiiral na proseso.