Cauayan City, Isabela- Emosyonal at nagdadalamhati ngayon ang pamilya at asawa ng isa sa labing isang (11) sundalo na napatay sa pakikipaglaban sa mga teroristang Abu Sayyaf sa Brgy. Danag, Patikul, Sulu noong April 17, 2020.
Ayon sa asawa na naulila ni Cpl Ernesto L Bautista Jr.,27 taong gulang na si Christine Joy Bautista, 28 taong gulang, hindi aniya nito inasahan na mawawala ng maaga ang kanyang asawa na halos anim (6) na taon na sa serbisyo sa ilalim ng 21st Infantry Battalion ng 11th ID, Philippine Army.
Mag-iisang taon palang aniya sila sa darating na April 27, 2020 bilang mag-asawa.
Huling nakausap ni Christine ang asawa sa mismong araw din ng pagkamatay ni Cpl Bautista.
Nakatakda sanang umuwi si Cpl Bautista bukas, April 20, 2020 sa kanilang bahay sa Brgy. Naguilian Sur, City of Ilagan, Isabela subalit nang dahil sa Enhanced Community Quarantine ay kinansela na ang kanyang pag-uwi.
Ayon pa sa maybahay ni Cpl Bautista, bagamat wala silang anak ng kanyang asawa ay mananatili pa rin sa kanya ang pagiging bayani nito na nagbuwis ng kanyang buhay sa pakikipaglaban sa mga terorista.
Ang mga labi ni Cpl Bautista ay dinala muna sa isang punerarya bago iuwi sa tahanan nito sa Lungsod ng Ilagan.