Inutos na ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Guillermo Eleazar sa Sta. Rosa PNP sa Laguna na makipag-ugnayan sa mga magulang ni Kabataan Partylist Laguna Chapter Coordinator Kemuel Ian Cometa para beripikahin kung nawawala nga ito.
Kasunod ito ng pag-akusa ng Karapatan Timog Katagalugan sa PNP na ikinulong si Cometa matapos ang isinagawang pagsalakay sa isang bahay sa Barangay Macabling, Sta. Rosa City noong Mayo 21.
Una nang itinanggi ng Sta. Rosa PNP ang alegasyon at sinabing wala sa kanilang kustodiya ang bata.
Ayon kay Eleazar, batay sa police report ng Sta. Rosa PNP, wala silang naabutang Kemuel Ian Cometa sa ni-raid na bahay, at hindi rin ito target ng operasyon.
Para kay PNP Chief, mas mabuting ang mga magulang mismo ni Cometa ang magsabi sa PNP kung nawawala nga ang kanilang anak para matulungan sila sa paghahanap.
Hinamon naman ni Eleazar ang Karapatan na maglabas ng ebidensya para patunayang itinatago ng mga pulis ang bata.