Cauayan City, Isabela- Tinatayang aabot ng humigit 2 milyong piso ang katumbas na halaga ng nasasamsam na dalawang (2) sako ng dried marijuana na nakumpiska sa isang sales agent sa quarantine checkpoint sa Cordon, Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMaj. Alford Accad, una na siyang inimpormahan ng Provincial Intelligence Office na maglatag ng mahigpit na checkpoint at abangan ang isang Hyundai Accent dahil bumili umano ito ng dried marijuana sa Tabuk City, Kalinga na isinakay sa nasabing sasakyan patungong Maynila.
Pasado alas 7:00 kaninang umaga nang maharang sa quarantine checkpoint ang nasabing sasakyan na walang official plate number at minamaneho ng suspek na nakilalang si John Patrick Catabona, 26 taong gulang at residente ng Bagong Sikat, Muñoz, Nueva Ecija.
Nabatid na walang kaukulang dokumento ang suspek gaya ng health certificate at expired din ang kanyang driver’s license.
Nang pababain sa sasakyan ang suspek ay tumanggi ito at habang iniinspek ang kanyang sasakyan ay tumambad ang dalawang sako na naglalaman ng mga pinatuyong dahon ng marijuana na may bigat na 16 kilograms.
Dinala sa Crime lab ang suspek para isailalim sa drug test maging ang mga nakumpiskang marijuana.
Ayon pa sa hepe, mahaharap sa patong-patong na kaso ang suspek dahil sa paglabag nito sa quarantine protocols, disobedience to a person in authority at paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Nahuli ang suspek sa pinagsanib na pwersa ng PNP Cordon, Highway Patrol Group, 2nd Provincial Mobile Force Company, AFP, BFP, at PDEA.