2 African National, Arestado sa Tangkang Pagpuslit ng 6 Kilo ng Marijuana!

Cauayan City, Isabela- Umaabot sa P780-K halaga ng pinatuyong dahon ng marijuana ang nasamsam sa pag-iingat ng dalawang estudyanteng African National na nasabat sa isang checkpoint sa National Road, Poblacion West, Lamut, Ifugao.

Nakilala ang dalawang suspek na estudyanteng Africano na sina Saffi Mohamednur, 28-anyos, binata at pansamantalang nakatira sa Veraville, Las Piñas City at Negash Abede Natnael, 24-anyos, binata na pansamantala namang naninirahan sa Leveriza St., Asiawealth, Pasay City na kapwa citizen sa Eritrea sa bansang Northeast Africa.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Rose Sarmiento, Public Information Officer ng Philippines Drugs Enforcement Agency-Cordillera Administrative Region (PDEA-CAR), tinatayang aabot sa anim (6) na kilo ang nakumpiskang marijuana na nakabalot ng masking tape na ibiniyahe ng mga ito lulan ng isang pampasaherong bus.


Tinatayang aabot naman sa halagang P780,000 ang nakumpiskang pinatuyong dahon ng marijuana na nakasilid sa isang bag na pag-aari ng mga ito.

Ayon kay Armenio Gaudia, Assistant Team Leader ng PDEA-Nueva Vizcaya sinubaybayan ng kanilang asset ang dalawa na galing sa Kalinga Province kung saan binili ang pinatuyong dahon ng marijuana.

Sakay ng pampasaherong bus papuntang kalakhang Maynila ang dalawang suspek kung saan ay natiyempuhan ang mga ito sa checkpoint sa bayan ng Lamut.

Pansamantalang nasa pangangalaga ng Lamut Municipal Police Station ang dalawang estudyanteng African National habang inihahanda na ang kasong isasampa laban sa kanila na may kinalaman sa paglabaga sa R.A 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Facebook Comments