Dalawang pusa mula sa magkaibang lugar sa New York ang nagpositibo sa COVID-19, iniulat ng awtoridad nitong Miyerkules.
Naitala ang dalawa na unang mga alagang hayop sa US na tinamaan ng coronavirus, ayon sa Department of Agriculture at Centers for Disease Control and Prevention.
Unang nasuri ang isang pusa na nagpakita ng mild respiratory signs, ngunit wala umano sa mga amo nito ang nakumpirmang may virus.
Posible umanong nakuha ng hayop ang virus sa labas o kaya ay nahawaan ng sinumang nasa bahay na asymptomatic.
Nahawa naman ang ikalawang pusa mula sa amo nitong positibo sa virus.
Iginiit naman ng mga opisyal na wala pa ring ebidensya na maaaring makahawa ang mga hayop sa tao.
Kaugnay nito, inirekomenda ng CDC ang pagpapatupad din ng social distancing sa mga alagang hayop habang pinag-aaralan pa ang naturang insidente.
“The cats should be kept indoors when possible to avoid them interacting with other animals or humans. Dogs should be kept on a leash while outside and should avoid busy areas such as dog parks,” payo ng ahensya.
Pinaalalahanan din ang mga may sakit na pet owner na huwag lumapit sa alaga, o kung maaari ay ipabantay muna ang mga hayop sa ibang tao.