Mahigpit ngayon ang bilin ng Supreme Court (SC) na kailangan nang palayain ang dalawang kababaihan na hinatulang guilty ng Regional Trial Court (RTC) noong taong 2013 dahil sa pagkakasangkot ng mga ito sa iligal na droga dahil sa isyu ng technicality.
Sa desisyon ng SC na may petsang Disyembre 2 noong nakaraang taon at inilabas lamang noong Enero 21, nakasaad dito na kailangang palayain sina Rosalina Manzanilla at Arlene Anonuevo na parehong residente ng Binangonan, Rizal.
Ipinunto sa desisyon ng Korte Suprema na bigo ang prosecutors na patunayan na guilty talaga ang dalawang suspek matapos labagin ng mga pulis ang procedure sa paghawak ng nasabat na iligal na droga.
Partikular na nilabag ng mga pulis ang seizure, custody at handling sa mga nakumpiskang droga kaya lalo itong lumikha ng pagdududa kung talagang guilty ang mga suspek.
Maliban dito, lumalabas na isinagawa ang inventory at pagkuha ng larawan sa dalawang suspek sa police station para sa kanilang imbestigasyon na wala ang presensya ng dalawa sa tatlong required witnesses o ang representative mula sa media at Department of Justice (DOJ).