2 bayan sa Kalinga, Nadagdag sa “High-Epidemic Risk Level”; Total Bed Occupancy Rate, Nasa Critical Level

Cauayan City, Isabela- Nasa apat na bayan at isang siyudad sa lalawigan ng Kalinga ang nasa kategorya ngayon ng ‘High Epidemic Risk Level’ sa usapin ng pagtaas ng insidente ng COVID-19, ayon kay Provincial Epidemiological Surveillance Officer, Jun Pardito Jr.

Nakapagtala ang lalawigan ng kabuuang 481 confirmed cases sa buwan lamang ng Agosto, kung saan ang Tabuk City ang nananatiling may malaking bilang kaso na umabot sa 388; Rizal na may 47; Pinukpuk na nakapagtala ng 24; Pasil na mayroong 5; at Lubuagan na nakapagtala ng 7.

Sa kabila naman ng kategorya sa lower risk codes, ang bayan ng Balbalan ay nasa Moderate Epidemic Risk Level kung saan nakapagtala ng walo habang ang Tanudan naman ay nasa kategorya ng low-risk epidemic level kung saan may isang kaso ng COVID-19.


Napanatili naman ng bayan ng Tinglayan ang ‘minimal risk code’dahil wala ng naitatala pang dagdag na kaso ng virus.

Sa mga nabanggit na lugar na may kaso ng COVID-19, sinabi ni Partido na 85.2% ng kabuuang bed capacity na para sa mga COVID patients sa lalawigan ay okupado na simula pa kahapon.

Una nang ipinarating ni Tabuk City Health Officer Dr. Henrietta Bagayao na ang Agbannawag Evacuation Center sa tabi ng Temporary Treatment and Monitoring Facility sa lugar ay muling binuksan upang ma-accommodate ang dagsaan ng kaso mula sa mga kritikal na barangay sa lungsod partikular sa Bulanao Centro at Lacnog East.

Samantala,nag-abiso naman si Governor Tubban sa publiko na sumunod sa protocols para makaiwas sa posibleng hawaan ng virus.

Facebook Comments