2 Binata, Arestado sa Ikinasang Buybust Ops ng Pulisya

37

*Cauayan City, Isabela- *Natimbog ng mga alagad ng batas ang dalawang binata sa inilatag na drug buybust operation ng mga otoridad sa barangay Bagumbayan, City of Ilagan, Isabela.


Kinilala ang nahuli sa drug buybust operation na si Darren Encomienda, 19 taong gulang, binata at residente rin sa brgy Bagumbayan ng Lungsod ng Ilagan.

Kasama rin sa naaresto ang kabarangay nito na Leonardo Manaligod, 22 taong gulang, binata matapos na makipagmatigasan sa mga pulis na nagsagawa ng operasyon.

Sa ibinahaging impormasyon ng Isabela Police Provincial Office (IPPO), naglatag ng operasyon kontra droga ang mga kasapi ng Ilagan City Police Station laban sa suspek na nagresulta naman sa pagkakahuli nito.

Nabili ng nagpanggap na poseur buyer sa suspek ang tatlong (3) piraso ng folded paper na naglalaman ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana.

Nakuha naman sa pag-iingat nito ang ginamit na buybust money na Php300 na tig isang daang piso.

Dinala ang dalawang naaresto sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang dokumentasyon at inihahanda na rin ng pulisya ang kasong isasampa laban sa mga suspek.




Facebook Comments