Manila, Philippines – Natapos na ang ikatlong pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa 6.4 billion pesos na shabu galing China na nakalusot sa Bureau of Customs.
Matapos ang hearing ay agad na inaresto ng National Bureau of Investigation si Kenneth Dong sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Paranaque Court dahil sa kasong rape na naganap noong April 10, 2016 kung saan ang biktima ay isang 33 years old na babae.
Si Dong ay nagsilbi umanong middle man para makapasok sa bansa ang nabanggit na shabu.
Mananatili namang nakaditine sa kostudiya ng senado ang 2 Chinese nationals na sina Richard Tan o Richard Chen at Manny Lee.
Si Tan ang may ari ng Hong Fei Philippines at may-ari din ng isa sa mga warehouse sa Valenzuela kung saan nasabat ang 604 kilos ng shabu at siya din ang itinuro ng mga Customs officials sa Xiamen, China bilang contact person sa nabanggit na shipment.
Sabi ni Committee Chairman Senator Richard Gordon, marami pang kailangang malaman mula sa dalawang dayuhan kaya hindi pa sila pakakawalan.
Sa pagdinig ay ibinunyag ng NBI na may nasabat din silang 890 kilos ng shabu sa San Juan City noong nakaraang buwan ng Disyembre na pag-aari din ng Hong Fei Philippines.
Ang susunod na pagdinig ay itinakda sa August 22, at ayon kay Senator Gordon, wala silang plano na ipatawag si Vice Mayor Paolo Duterte dahil hearsay lang ang pag-uugnay dito sa kontrobersya.
Maging si Senate Majority Leader Tito Sotto III ay hindi rin kumbinsido na may kinalaman ang anak ng Pangulo sa drug shipment.
Sa hearing ay inamin ni Mark Taguba na wala siyang direktang kaalaman na magdadawit kay Vice Mayor Paolo, dahil tanging ang mga indibidwal na sina Jack, Small at Tita Nani lang na pawang humihingi ng tara sa kanya ang nagsasabing kumikilos ang Davao Group sa Customs kung saan kabilang si Vice Mayor Paolo.
Kaya diin ni Pacquiao, marahil ay ginagamit lang ang pangalan ni Vice Mayor Duterte.
Sabi pa ni Pacquiao, ilang beses na rin niyang naranasan na may nanghihingi ng pera gamit ang kanyang pangalan.