2 close contact ng Delta variant patient sa Misamis Oriental, positibo sa COVID-19

Nagpositibo sa COVID-19 ang dalawang close contact ng pasyenteng may Delta variant mula Misamis Oriental.

Ayon kay Misamis Oriental Governor Bambi Emano, dinala na nila ang samples ng dalawang close contacts sa Philippine Genome Center (PGC) para sa genome sequencing.

“Bale lima sila sa bahay and apat po ang kasama niya. Dalawa nag-negative, dalawa nag-positive. Yung dalawa na nag-positive po, pinadala na po namin yung samples dyan sa Manila and hopefully pagbalik non, we will be able to know if it [variant] has already spread in the family,” ani Gov.Emano.


Tiniyak naman ni Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson Commodore Armand Balilo na wala pa silang natanggap na report hinggil sa kahina-hinalang mga indibidwal na nakakapasok sa backdoor sa bansa.

Wala rin aniyang silang nagiging problema sa kanilang pinaigting na maritime border patrol kasunod ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Indonesia.

“Sa kasalukuyan, wala pa po tayong report na natatanggap na merong nakalusot [sa backdoor] pero mabigat po ang bilin ni Sec. [Arthur] Tugade sa Coast Guard na talagang ipatupad itong pagbabantay sa ating borders,” pahayag ni Balilo

Sa datos ng Department of Health (DOH), may 35 Delta COVID-19 variant cases sa Pilipinas.

Labing-isa sa mga ito ay local cases kung saan limang kaso ang naitala sa Cagayan de Oro, isa sa Misamis Oriental, dalawang naman sa Metro Manila at dalawang kaso sa Antique.

Facebook Comments