Katatapos lamang kahapon ang naturang aktibidad na dinaluhan mismo ng Director ng Mines and Geosciences Bureau o MGB na si Atty. Wilfredo Moncano na nagbigay ng inspirational message sa mga dumalo.
Bukod sa pagtalakay kaugnay sa responsableng pagmimina ay tinalakay din ang mga polisiya sa pagmimina at kung ano ang mga best practices ng mga mining companies sa rehiyon dos tulad ng OceanaGold Philippines Incorporated o OGPI na matatagpuan sa Didipio, Kasibu, Nueva Vizcaya at ng Runruno Mining company sa Quezon, Nueva Vizcaya. Dito ay binigyang boses din ang mga dumalo para ihayag ang kanilang mga concerns o hinaing na nasagot at naipaliwanag naman ng mga opisyal ng MGB.
Sa pagtatapos ng naturang aktibidad kahapon ay nagbigay naman ng panghuling mensahe si Engr. Nonita Caguiao, Assistant Secretary for Finance, Information Systems and Mining Concerns ng DENR na isa sa panauhing pandangal sa ginanap na Forum na kung saan ay pinasalamatan nito ang lahat ng mga dumalo sa kauna-unahang forum na isinagawa ngayong panahon ng pandemya.
Kinilala naman ang mga mining companies at ilang personalidad na dumalo sa naturang Forum. Samantala, sa ating naging panayam kay Atty. Joan Adaci- Cattiling, presidente at general Manager ng OceanaGold, na sa muling pagbabalik operasyon ng OGPI ay nirerespeto nito ang mga tao at grupong hindi sumusuporta sa operasyon nito na kung saan ay patuloy pa rin naman aniya ang kanilang engagement sa mga tao doon para malaman kung ano kanilang mga kanilangan na siya naman umanong tinutugunan ng kanilang kumpanya sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga tulong. Sa kabuuan ay maayos naman umano ang kanilang relasyon sa komunidad.
Matatandaan na naging kontrobersyal ang OceanaGold sa bayan ng Didipio dahil sa pagtutol ng ilang indibidwal at grupo sa renewal ng Financial or Technical Assistance Agreement o FTAA nito na kung saan ay nito lamang taong 2021 ay naaprubahan ito ng Pangulong Rodrigo Duterte.