Cauayan City, Isabela- Boluntaryong sumuko sa kasundaluhan ng 86th Infantry Battalion ang dalawang (2) lalaking rebelde sa Sitio Dilawlaw, Barangay Antagan 1st, Tumauini, Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Army Major Jeckyll Dulawan, pinuno ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th Infantry Division, ang dalawang nagbalik-loob sa pamahalaan na itinago sa alyas Jose at alyas Pedro ay parehong miyembro ng Central Front Committee at kasama sa mga napalaban sa nakaraang engkwentro sa bayan ng Tumauini.
Isinuko rin ng dalawang NPA ang kanilang bitbit na armas na dalawang (2) M16 rifle, 16 magazine ng M16 rifle at mahigit 200 na bala.
Ayon kay Maj. Dulawan, napag-isipan ng dalawang rebelde na sumuko na lamang dahil wala na rin umano silang ibang mapuntahan at hirap na rin sa kanilang kalagayan.
Kaugnay nito, inaasahan pang madadagdagan ang bilang ng mga susukong rebelde sa tulong na rin ng ginagawang hakbang at panghihikayat ng tropa ng pamahalaan.