Natalong Konsehal sa Isabela, Patay Matapos Ratratin, Kasamang Babae Patay rin!

1830

Naguilian, Isabela- Agad na namatay matapos pagbabarilin ang isang kumandidato sa pagkakonsehal ng bayan ng Aurora, Isabela na isa ring retiradong pulis maging ang kasamang babae bandang alas singko ng hapon, May 20, 2019 sa kahabaan ng Brgy Surcoc, Naguilian, Isabela.

Kinilala ang retiradong pulis na si Edralino Domingo, 63 anyos, may asawa at residente ng Brgy Kalabaza, Aurora, Isabela at nadamay rin sa nasabing pamamaril ang angkas nito na isang babae na kinilalang si Jane Dagman Tul -O, 45 anyos, isang OFW, residente naman ng Villaluz, Benito Soliven, Isabela.


Batay sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan mula sa Isabela Police Provincial Office (IPPO), binabagtas ng mga biktima ang nasabing lansangan sakay ng isang Yamaha patungong bayan ng Benito Soliven at nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay bigla silang pinagbabaril ng puting sumusunod na pick up na sasakyan.

Nagtamo ng tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang mga biktima na dahilan ng kanilang agarang pagkamatay.

Narecover sa crime scene ang 23 na basyo ng bala ng armalite riffle, isang live ammo at mga basyo ng kalibre 45.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga kapulisan sa bayan ng Naguilian kaugnay sa nasabing pamamaril.

Facebook Comments

From Advertisers