Cauayan City, Isabela- Nahulog sa kamay ng mga alagad ng batas ang dalawang lalaki matapos maaresto sa pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot sa Brgy. Palattao, Naguilian, Isabela.
Dakong alas 12:20 kaninang madaling araw ng mahuli ang mga suspek na sina Earlord Enriquez alyas Sian, 18 taong gulang, residente ng Brgy Palattao, Naguilian, Isabela at Paulo Marron, 21 taong gulang, binata, welder, residente naman ng Brgy Magsaysay, Naguilian, Isabela.
Kapwa naaresto ang dalawa sa isinagawang drug buybust operation ng PNP Naguilian sa pangunguna ng hepe na si PMaj Gary Macadangdang.
Nabili sa mga suspek ang isang (1) piraso ng zip lock transparent plastic sachet na naglalaman ng mga pinatuyong dahon ng marijuana na may fruiting tops at stalks.
Narekober mula sa pag-iingat ng mga suspek ang isang pakete ng sigarilyo na may pinatuyong dahon din ng marijuana, dalawang unit ng cellular phone, Php500.00 na buybust money, at 2 piraso ng 50 pesos.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang dalawang suspek habang dinala sa Crime Laboratory ang nakumpiskang item para sa pagsusuri.
Inihahanda na rin ng pulisya ang kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act na isasampa laban sa mga suspek.