2 Lalaki, Huli sa Pagsinghot ng Droga!

*Cauayan City, Isabela- *Arestado ang dalawang lalaki matapos na maaktuhan sa pagpa-pot session pasado alas sais kagabi sa Sitio Karagsakan, Brgy Rizal, Roxas, Isabela.

Kinilala ang mga nadakip na sina Patrick Del Pilar, 34 anyos, residente ng Brgy. Rizal, Roxas, Isabela at Mitos Viado, 26 anyos, binata, residente naman ng Sinamar, Roxas, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan mula sa Isabela Police Provincial Office (IPPO), nakatanggap ng impormasyon ang himpilan ng PNP Roxas mula sa isang concerned citizen kaugnay sa ginagawang pot session ng dalawang suspek sa isang kiosk sa nasabing lugar.


Sa pagresponde ng pulisya sa lugar ay naaktuhan ang pagsisinghot ng mga suspek sa hinihinalang shabu na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto.

Narekober sa kanilang pag-iingat ang dalawang plastic sachet ng white crystalline substance, foil at dalawang lighter.

Nasa kustodiya na ng PNP Roxas ang dalawang suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Facebook Comments