2 lalaking gumagawa ng iligal na pustiso, braces, dinakip ng NBI

REPRESENTATION PHOTO FROM SHUTTERSTOCK

Arestado ang dalawang lalaki sa Brgy. Basak Malutlut, Marawi City dahil umano sa paggawa ng ilegal na pustiso at braces nitong Miyerkoles.

Sa isinagawang entrapment operation, dinampot ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga salarin makaraang sukatan at gawan ng pustiso ang kanilang ahente.

Mismong may-ari at assistang ng pagawaan ang nahuli ng mga operatiba.


Ayon sa NBI, nagsumbong sa kanila ang ilang miyembro ng Philippine Dental Association Lanao del Sur Chapter kaugnay ng mga naglipanang gumagawa ng braces, pustiso, at retainers na walang kaukulang permiso.

Dagdag ng ahensiya, mas maraming tumatangkilik sa naturang iligal na serbisyo dahil higit na mas mababa ang presyo kumpara sa isang lisensyadong dentista.

Binalaan naman ng kinauukulan ang publiko na posibleng magkasakit o magkahawaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang mga kostumer kapag hindi ito dumaan sa pagsusuri ng dalubhasa.

Nasa kostudiya ngayon ng NBI ang mga naaresto at kakasuhan ng paglabag sa Philippine Dental Act.

Facebook Comments