Cauayan City, Isabela- Tuluyang kumalas sa kilusan at nagbalik-loob sa pamahalaan ang dalawang lider at anim na miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Sitio Riga-Ay, Barangay Hacienda Intal, Baggao, Cagayan.
Dalawa (2) sa kanila ay mga kinikilalang lider ng Section Guerilla Unit ng East Front, Komiteng Probinsya-Cagayan ng teroristang CPP-NPA habang ang anim (6) ay mga miyembro ng naturang teroristang grupo.
Ayon sa pahayag ng mga sumuko, kinuha nilang pagkakataon ang isinasagawang Focused Military Operations ng 77th Infantry Battalion, 5th Infantry Division kasama ang hanay ng kapulisan upang magbalik-loob sa pamahalaan.
Sinabi pa ng mga sumuko na walang kabuluhan ang kanilang ipinaglalaban taliwas sa mga sinasabi ng mga miyembro ng rebeldeng grupo.
Dala ng mga nagbalik-loob ang ilang mga baril at iba’t-ibang mga kagamitan kabilang ang isang homemade 12-gauge shotgun, isang homemade 12-gauge pistol, isang kalibre 22 na baril, flashlight, solar panel, generator, bag na naglalaman ng mga damit, mga gamot, mga gamit sa acupuncture treatment, at mga subersibong dokumento.
Ikinagalak naman ni MGen Laurence E Mina PA, Commander ng 5ID ang ginawang pagbabalik-loob at pagsuko ng mga kagamitan sa kasundaluhan ng walong kasapi ng SGU, East Front, KOMPROB Cagayan.
Hinihikayat naman ng pinuno ng 5ID ang mga nalalabi pang kasapi ng CPP-NPA na bumaba na at tanggapin ang tulong ng gobyerno na nakalaan para sa kanilang pagbabagong buhay.