2 Menor de Edad at 1 pang Lalaki, Huli sa Drug Buybust Operation!

Cauayan City, Isabela- Arestado sa magkahiwalay na Drug Buybust Operation ng mga otoridad ang dalawang (2) menor de edad at isa pang lalaki sa Lalawigan ng Cagayan.

Huli sa pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot ang 16 anyos at 14 anyos na binatilyo sa bayan ng Solana sa ikinasang drug buybust operation ng PNP Solana.

Nabili mula sa 2 menor de edad ang dalawang (2) heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng mga pinatuyong dahon ng marijuana.


Nakuha rin sa mga ito ang marked money na 500 pesos at isang unit ng cellphone.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 ang dalawang suspek at anumang araw ay ipapasakamay sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Samantala, nahuli rin sa buybust operation sa Ugac Sur, Tuguegarao City si Kelvin Carangyan, 30 anyos, residente ng Pallua Sur ng nasabing Lungsod.

Nakuha sa pag-iingat ni Carangyan ang dalawang (2) heat sealed ng plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, isang (1) cellphone at marked money na Php1,000.00.

Dinala sa Tuguegarao City Police Station ang suspek para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon.

Facebook Comments