Cauayan City, Isabela- Naudlot ang tangkang pagnanakaw ng dalawang menor de edad sa isang tindahan ng eskwelahan matapos na matiklo ng gwardiya sa Brgy. DMP, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan, habang nagroronda si Val Labasan, 23-anyos, binata, security guard ng Nueva Vizcaya State University (NVSU) na residente ng Sitio Kinacao, Brgy. Baretbet, Bagabag, Nueva Vizcaya ay makita niya ang dalawang menor de edad na itinago sa pangalang ‘Pedro’ at ‘Juan’ na nagnanakaw ng mga assorted goods sa loob ng kantina.
Agad na nagpasaklolo si Labasan sa kanyang kasamahan na nagresulta sa pagkakahuli ng dalawang menor de edad.
Tinangka pang tumakas ng mga suspek subalit nakorner din sila ng mga rumespondeng guwardiya.
Matapos mahuli ang dalawang suspek ay agad nilang ipinaalam ang naturang insidente ng pagnanakaw kay Rowena Reginalde, 44-anyos, may-asawa, canteen manager at residente ng Teachers Village, NVSU, Barangay Don Mariano Marcos, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Sa pagsisiyasat ng kapulisan, dakong 9:30 kagabi nang pasukin ng dalawa ang naturang tindahan kung saan dumaan ang mga ito sa kisame.
Nakatakdang ipatawag ng pulisya ngayong umaga ang mga magulang ng dalawang menor de edad para sa kaukulang pagsisiyasat.