
Naghahanda na ang Philippine Air Force (PAF) sa pagdating ng mga labi ng dalawang pilotong nasawing makaraang bumagsak ang sinasakyan nilang FA-50 fighter jet sa Bukidnon noong Martes.
Nakatakdang idiretso ang labi ng dalawang piloto mamayang alas-3:00 nang hapon sa Villamor Airbase kung saan sasalubungin sila ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at gagawaran ng parangal.
Nauna na ring ipinag-utos ni Pangulong Marcos ang agarang imbestigasyon sa naging sanhi ng pagbagsak ng mga aircraft.
Sinabi naman ng PAF na inaasahang matutukoy na sa lalong madaling panahon ang sanhi ng pagbagsak ng aircraft dahil narekober na ang flight data recorder nito.
Tiniyak din ng pamahalaan na hindi masasayang ang lahat ng sakripisyo ng dalawang piloto para sa bansa at ibibigay ang nararapat na tulong sa mga naulilang pamilya ng mga ito.









