2 Negosyante at Tricyle Driver, Huli sa Pagbebenta ng Overpriced na Alcohol

*Cauayan City, Isabela*-Arestado ang tatlong kalalakihan sa magkahiwalay entrapment operation ng mga awtoridad dahil sa pagbebenta ng sobrang presyo ng medical supplies sa Nueva Vizcaya at Isabela kahapon.

Kinilala ang mga suspek na sina Ruhama Daquiaog, 35 anyos may asawa, isang negosyante at residente ng Brgy. Bascaran, John Paul Fariñas, 28 anyos, may asawa, isang tricycle driver at residente ng Brgy. Bagahabag na kapwa naninirahan sa Nueva Vizcaya; at si Ronald Primo, 41 anyos, walang asawa, negosyante at residente ng Brgy. Centro 1, Mallig, Isabela.

Naaresto si Daquiaog at Fariñas pasado 11:15 kahapon ng umaga sa Brgy. Poblacion South, Solano, Nueva Vizcaya ng pinagsanib na pwersa ng CIDG Nueva Vizcaya PFU (lead), PIU NVPPO, Solano MPS, RIU2 at NVPHPT sa koordinasyon ng DTI at FDA.


Nahuli ang dalawa matapos mapagbentahan ang isang operatiba na nagpanggap na bibili ng Ethyl Alcohol sa halagang P850.00 bawat galon.

Lumalabas sa imbestigasyon na nagbebenta ang mga ito ng medical supplies na wala sa itinakdang Suggested Retail Price (SRP).

Bigo naman ang mga suspek na magpakita ng kaukulang dokumento na nagsasaad na sila ay otorisadong magbenta ng nasabing mga produkto.

Nakumpiska ang 12 pcs. ng isang galon Alco shield Antiseptic Alcohol na nagkakahalaga ng Php7, 200.00 at Php600.00 kada galon batay sa SRP; 13 pcs ng 1 liter unlabeled Alcohol (Refilled) na may halagang Php1,930.50 SRP; 2 pcs 500 ml unlabelled Alcohol (Refilled) na nagkakahalagang Php148.50 SRP; 4 pcs na isang galon empty container na Alcoshield Alcohol; one pc red plastic funnel; 12 pcs ng 1 liter empty plastic container; at 1 unit cellular phone.

Samantala, naaresto naman si Primo sa isang drugstore na Needs Central Pharmacy & Convenient Store, Brgy. Centro 2, Mallig, Isabela.

Nakumpiska sa kanya ang 1 piraso ng Ethyl Alcohol placed in a Wilkins plastic bottle (buy-bust item), 1 Gallon ng Ethyl Alcohol na naglalaman ng mahigit kumulang na 4 liters; 1 Gallon ng Ethyl Alcohol na may lamang 3 liters; 1 Gallon ng Ethyl Alcohol na may lamang 250 ml; at 2 empty Gallon ng Ethyl Alcohol.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 7581 (Price Act) as amended by RA 10623, RA 7394 (Consumer Act of the Philippines) and Enhanced Community Quarantine in relation to RA 11332 ang mga suspek.

Facebook Comments