2 NPA na Nadakip, Mahaharap sa Patung-patong na Kaso!

Isabela- Mahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at Omnibus Election Code ang dalawang teroristang NPA na nahuli ng magkakasanib na pwersa ng AFP at PNP noong Abril 24, 2019 sa Brgy. Dicamay 2, Jones, Isabela.

Kinilala ang dalawa na sina Solomon John A. Escopete, alyas Dian, 33 anyos at Danilo Estores, alyas RJ, 33 anyos at pinoproseso na ang kanilang pagkakakulong.

Sa panayam ng 98.5 RMN Cauayan kay Lt/Col. Remegio Dulatre, Battalion Commander ng 86th Infantry Battalion, 5th ID, PA, sinabi nito na sumailalim na sa inquest proceedings ang dalawang rebelde at nasa pangangalaga na ng PNP Jones, Isabela.


Magugunita na noong Abril 24, 2019 ng umaga sa Brgy. Dicamay 2, ay nahuli ang dalawa at narekober mula sa kanilang pag-iingat ang isang tablet, limang cellular phone, isang power bank, dalawang lighters, isang flashlight, isang pitaka na naglalaman ng mga ID, mga personal na gamit, isang Improvised Explosive Device, isang granada at mga subersibong dokumento.

Nakuha rin kina Escopete at Estores ang isang flashdrive na naglalaman ng mga sulat para sa mga barangay officials upang maipalabas ang kanilang film showing tungkol sa kanilang pagtuturo, pagsasanay at mga propaganda.

Ayon pa kay LtCol. Dulatre, inamin ng dalawa na sila ay aktibong miyembro ng New People’s Army (NPA) sa ilalim ng CNT ng Central Front.

Samantala, patuloy pa rin anya ang 86th Infantry Battalion sa pagsasagawa ng Community Support Program (CSP) sa kanilang nasasakupan upang magbigay tulong at suporta sa mga mamamayan.

Facebook Comments