Handa na ang dalawang quarantine ships na kinomisyon ng Department of Transportation (DOTr) para tumanggap ng mga seafarers at iba pang Overseas Filipino Workers (OFWs) simula ngayong araw, Abril 12.
Ang hakbang na ito ay sa pakikipagtulungan ng DOTr at 2GO shipping and logistics company kung saan dalawang barko ang kanilang ipinagamit para gawing pansamantalang quarantine facility upang mapigilan ang tumataas na bilang ng pasyente sa mga ospital bunsod ng COVID-19.
Ang nag-uwiang OFW at iba pang repatriates ay sasailalim sa 14 day quarantine period bilang bahagi ng health protocol upang maiwasan ang pagkalat ng sakit Ang quarantine ships ay nakadaong ngayon sa Pier 15 South Harbor, Port Area, Manila.
Makaka-accomodate lamang ng 800 indibidwal ang isang barko dahil na rin sa ipinaiiral na social distancing habang ang mas maliit na barko ay 300 katao lamang ang kayang tanggapin na mas mababa sa orihinal na kapasidad ng pasahero Nainspeksyon na rin ang dalawang barko ng Department of Health (DOH), sa pangunguna ni Undersecretary Mario Villaverde, at Bureau of Quarantine Director Roberto Salvador, Jr. upang matiyak na ang dalawang barko ay sumusunod sa standard environment controls, hygiene protocols, at iba pang health requirements. Samantala, nilinaw ng DOTr na ang quarantine ships ay gagamitin lamang para sa walang sintomas ng COVID-19 at kailangan lamang na sumailalim sa mandatory 14-day quarantine.