2 SA 3 SUSPEK SA PANLOLOOB SA BAHAY NG ISANG NEGOSYANTE SA TUGUEGARAO CITY, NADAKIP

Nadakip na ng mga awtoridad sa bayan ng Enrile, Cagayan ang dalawa sa tatlong suspek sa nangyaring panloloob sa bahay ng mag-asawang negosyante sa Tuguegarao City nitong Sabado, Nobyembre 19, 2022.

Ayon sa ulat ng pulisya, natunton ng pinagsamang mga operatiba ng Enrile Police Station, Tuguegarao City Police Station at Cagayan Police Provincial Office ang dalawang suspek matapos ang isinagawang tracking operation sa isa sa mga high-end cellphone ng anak ng mga biktima.

Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina alyas Harry, 33-taong gulang, construction worker, mula sa Brgy. Buenavista, Masbate City at residente ng Brgy. 4, Enrile, Cagayan at alyas Andi, 41-taong gulang, construction worker at residente ng Roxas St. Enrile, Cagayan.

Ayon sa kapulisan, papaaminin pa nila ang mga nahuling suspek kung saan at sino ang isa pa nilang kasabwat sa ginawang krimen.

Matatandaan na nilooban ng tatlong armadong indibidwal ang bahay ng mag asawang Mildred at Jessie Dela Cruz kung saan nalimas ang nasa halos 30 milyon pisong halaga ng alahas, limang touch screen na cellphone at pera bandang 10:30 kagabi noong Sabado.

Matatandaan na narekober ang inabandonang sasakyan ng mag asawa sa Mallig-Delfin Albano Road, Brgy Manano, Mallig, Isabela alas-9:20 ng umaga kahapon.

Ang mga suspek ay dinala sa Enrile Police Station na ililipat sa kustodiya ng Tuguegarao City Police Station.

Facebook Comments