Cauayan City, Isabela-Umapela si Isabela Provincial Social Welfare and Development Officer Lucia Ambatali sa mga kabataan na maging instrumento at inspirasyon sa iba upang mapigilan ang tumataas na bilang ng kaso ng teenage pregnancy ngayong may pandemya.
Ito ay matapos ang isinagawang Virtual Youth Symposium on Teenage Pregnancy amidst COVID-19 pandemic na bahagi ng National Children’s Month Celebration.
Lumalabas sa 2017-2020 teenage pregnancy data sa Region 2, ang probinsya ng Isabela ang may pinakamataas na Teenage Pregnancy Rate (TPR), sunod ang Nueva Vizcaya.
Mula sa apat na siyudad sa rehiyon, ang City of Ilagan ang may mataas na TPR, sunod ang City of Santiago.
Samantala, sa datos kabilang ang 34 municipalities sa Isabela, ang bayan ng San Mariano ang may mataas na TPR, sinundan ng mga bayan ng San Manuel, San Guillermo, Dinapigue, Roxas at San Mateo.
Ayon sa 2015-2019 data ng bilang ng mga ipinanganak ng mga babaeng 10-14 taong gulang na nagmula sa Civil Registration at Vital Statistics Region 2, mayroong isang pangkalahatang pagtaas ng trend ng mga panganganak sa mga napakabata na kababaihan sa Rehiyon 2.
Lumalabas na 4.5% ng kabuuang kapanganakan ng taong 2019 sa bansa ay mula sa napakabatang ina na mula sa rehiyon.
Samantala, bumababa ang trend ng panganganak sa mga 15-19 taong gulang na kabataang babae sa Region 2 kung saan 3.5% ng kabuuang panganganak sa 2019 sa bansa ay mula sa 15-19 taong gulang na kabataang ina sa rehiyon.
Gayunman,umaasa naman ang Commission on Population Region 2 na hindi na madagdagan pa ang bilang ng teenage pregnancy sa kabila ng ginagawa nilang adbokasiya para wakasan ang teenage pregnancy sa rehiyon at sa Isabela.
Tiniyak naman ni POPCOM Regional Director Herita Macarubbo na ang POPCOM ay palaging magiging katuwang sa pakikipag-ugnayan sa mga kabataan sa rehiyon.