Cauayan City, Isabela- Sinampahan na ng kasong paglabag sa RA 11332 ang dalawang sundalo na lumabag sa health and safety protocol sa bayan ng Naguilian, Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mayor Juan Capuchino ng Naguilian, kanyang sinabi na nagsampa na ng kaso ang Hepe ng Naguilian Police Station sa isang babae at lalaking sundalo na galing sa Mindanao na nagpositibo sa COVID-19.
Ayon kay Mayor Capuchino, hindi dumaan sa tamang proseso o triage ng LGU ang dalawang sundalo nang sila ay umuwi sa Naguilian noong July 8, 2021 mula sa kanilang destino sa Mindanao.
Napag-alaman na lamang na sila ay positibo sa COVID-19 matapos silang magpa swab test sa PRC Isabela dahil kailangan para sa kanilang pagbabalik sa trabaho.
Sa isinagawang contact tracing ng mga health workers, umabot sa 33 katao ang natukoy na nahawaan ng dalawang nagpositibo na dahilan ng muling pagkakatala ng mga panibagong kaso sa nasabing bayan.
Ibinahagi ng alkalde na ZERO case na sa COVID-19 ang Naguilian pero dahil nagkaroon ng hawaan sa kanyang nasasakupan ay umakyat agad sa 33 ang kasalukuyang aktibong kaso.
Kaugnay nito, muling nakiusap ang alkalde sa kanyang mga kababayan na magkaroon ng disiplina sa sarili at makiisa sa mga ipinatutupad na minimum public health standards upang hindi makahawa o mahawaan ng nakamamatay na virus.