2 Suspek sa Pagpatay sa Isang Guro sa Aurora, Isabela, Nakasuhan na!

*Aurora, Isabela- *Nahaharap ngayon sa kasong Murder ang dalawang suspek na kinabibilangan ng isang menor de edad na nanaksak at pumatay sa isang head teacher noong Enero 13, 2019 sa Brgy. Camarunggayan, Aurora, Isabela.

Kinilala ang dalawang suspek na sina Jesus Appelido Acio, 35 anyos, binata, isang magsasaka at residente ng Brgy. Kalabaza, Aurora, Isabela at ang 17 anyos na main suspek sa pananaksak na itinago sa pangalang ‘Frank’.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay Police Senior Inspector Villamor Andaya, hepe ng PNP Aurora, Isabela, isang alyas “Bravo” ang nakapagturo sa mga suspek na sumaksak at pumatay kay Ginoong Bobby Galiza na residente rin ng Brgy. Camarunggayan gamit ang isang kutsilyo.


Ayon kay PSI Andaya, kita sa kuha ng CCTV Camera sa lugar ang ginawang pananaksak ng disi syete anyos na suspek kay Ginoong Galiza habang nakaalalay naman si Acio.

Tangkang pagnanakaw ang unang nakitang motibo sa pagpatay subalit base umano sa salaysay ng suspek na menor de edad ay bigla lamang umanong nagdilim ang kanyang paningin kaya’t nagawa nito ang nasabing krimen.

Sa ngayon ay nasa BJMP San Mateo na si Jesus Acio habang si alyas Frank naman ay na-iturn-over na sa Bahay Pag-asa sa Lungsod ng Cauayan.

Samantala, malaki naman anya ang naging pasasalamat ng pamilya ng biktima dahil nakamit na ang hustisya para sa yumaong Head Teacher.

Facebook Comments