2 Suspek sa Pananaksak sa Anak ng Tumakbong Board Member ng Isabela, Pinalaya na!

Cauayan City, Isabela- Nakalaya na ang dalawa sa apat na suspek na mahigit isang buwang nakakulong sa bilangguan matapos ang ibinabang dismissal order ng piskalya kaugnay sa nangyaring pananaksak sa anak ng dating tumakbong Board Member ng ika-anim na distrito ng Isabela na si Atty. Ralph Maloloyon.

Kinilala ang mga naabswelto sa kaso na sina Jeric Cauilan, 22 anyos at residente ng Brgy. Guayabal at Mark Errol Viernes, 23 anyos na residente naman ng Brgy. District 2 sa Lungsod ng Cauayan.

Batay sa imbestigasyon ng PNP Cauayan City, bandang 8:00 ng umaga kahapon ng iprisinta ng mga kaanak ng mga suspek ang ipinalabas na kautusan ng City Prosecutors Office at nakasaad dito na walang nakikitang probable cause o partisipasyon ang dalawang suspek sa pananaksak kay Revin Maloloyon, 26 anyos, residente ng Napocor St, District I, Cauayan City, Isabela kaya’t pinalaya ang mga ito.


Kaugnay nito, mananatili pa rin sa kulungan ang dalawang suspek na sna Prince Aldrin Felipe at Butch Dumalanta dahil itinuturing ang mga ito na pangunahing may gawa ng pananaksak sa anak ni Atty. Maloloyon noong Agosto. 15, 2019 at sila’y nahaharap sa kasong Homicide.

Inirekomenda naman ng korte ang halagang P120,000.00 para sa pansamantalang kalayaan ni Felipe habang P70,000.00 naman para sa kalayaan ni Dumantay.

Tumanggi namang magbigay ng komento ang mga naabsweltong suspek matapos ang kanilang pagkakasangkot sa nangyaring insidente.

Facebook Comments