*Cauayan City, Isabela*- Hindi na umabot pa ng buhay sa pagamutan ang dalawang barangay tanod habang pito ang sugatan matapos araruhin ng isang SUV na minamaneho ng isang doktor pasado 9:50 kaninang umaga sa Brgy. Ballacayu, San Pablo, Isabela.
Kinilala ang nasawing biktima na sina Ambrocio Lagundi, 47 anyos, may asawa at Rodrigo Pacion, nasa tamang edad, may asawa, kapwa tanod ng barangay habang ang suspek ay nakilalang si Marcial Que Jr., 29 anyos, isang doktor at residente ng Brgy. District 2, Tumauini, Isabela.
Sugatan naman ang iba pa na kinilalang sina Anthony Soriano, 34 anyos, may asawa, tanod; Francisco Allata, nasa tamang edad; Redentor Telan; Aaron Soriano, 17 anyos, isang estudyante; Philip Macapagal, 25 anyos, SK Chairman; Jose Villaverde, 66 anyos; Manuel Dayag, 57 anyos na kapwa mga residente ng Brgy. Ballacayu, San Pablo, Isabela.
Batay sa imbestigasyon ng San Pablo Police Station, habang binabagtas ng suspek ang pambansang lansangan patungo sa timog na bahagi ng daan ay nag-overtake ito sa kasunod na motorsiklo nang hindi nito mapansin na may paparating na sasakyan sa kabilang linya ng daan at kalaunan ay sinubukan pa nitong umiwas subalit nawalan na ito ng kontrol sa manibela at aksidenteng nabangga ang mga biktima na nagsasagawa ng Barangay Cleaning Operation sa gilid na bahagi ng tulay.
Nagpapagaling na sa pagamutan ang sugatang mga biktima habang isinugod naman sa isang ospital sa Tuguegarao City ang suspek na nagtamo rin ng sugat matapos ang aksidente.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya kaugnay sa nangyaring insidente.