*Cauayan City, Isabela-* Nahaharap sa kasong paglabag sa R.A 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang dalawang traysikel drayber matapos matimbog sa magkahiwalay na drug buybust operation ng pinagsanib na pwersa sa PNP Santiago City at PNP Bayombong, Nueva Vizcaya.
Sa ipinarating na ulat ni P/Maj.Reynaldo Maggay, Station Commander ng Station 1 ng Santiago City Police Office (SCPO), nakilala ang suspek na si Jonathan Mangon, 39-anyos na residente ng Purok 4, Calao East ng nasabing lungsod.
Dakong 3:30 ng hapon kahapon ng mamataan si Mangon sa Barangay Calao East ng nasabing Lungsod kung kaya’t agad na ikinasa ang nasabing operasyon na nagresulta sa positibong pagkahuli nito.
Narekober sa pag-iingat ni Mangon ang isang pakete ng pinaniwalaang shabu at marked money na limang daang piso (P500.00).
Samantala, sasampahan rin ng parehong kaso si Arnold Ramos, 31-anyos traysikel drayber, na residente naman ng Sta. Rosa, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Bandang 7:30 kagabi ng mahuli si Ramos sa Purok 1, Malvar Street, Brgy Salvacion, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Capt. Jolly Villar, ang suspek ay huli rin ng nagpanggap na police poseur buyer sa aktong pagbebenta ng illegal na dr oga.
Nasamsam sa pag-iingat ni Ramos ang isang pakete ng pinaniwalaang shabu, marked money na limang daang piso, cellphone at traysikel na ginamit sa pagbebenta ng droga.
Si Arnold Ramos ay nakatakda sanang sumailalim sa Community Based Rehabilitation Program o CBRP.