2 Tsuper ng Motorsiklo, Patay Matapos Magkabanggaan

680

*Cauayan City, Isabela*- Idineklarang dead on arrival ang parehong driver ng dalawang motorsiklo matapos magkabungguan sa kahabaan ng Brgy. San Placido, Roxas, Isabela.

Kinilala ang dalawang nasawing biktima na sina Edwin Parocha, tsuper ng Honda TMX na may plakang 0201-898878, nasa tamang edad at residente ng Sitio Acacia, Brgy. San Jose habang nakilala ang isa pa na si Rex Bulauan, driver ng Yamaha SZ-R MC na may plakang BA 50523, 54 anyos, magsasaka at residente ng Brgy. Imbiao,Roxas, Isabela.

Nagtamo naman ng sugat sa ulo ang angkas ni Parocha na si Amador Ticman,39 anyos, may asawa, isang OFW na residente ng Brgy. Marcos sa nasabing bayan.

Batay sa imbestigasyon ng PNP Roxas, binabagtas ni Parocha ang south direction ng pambansang lansangan habang si Bulauan ay sa kasalungat na daan ng biglang pumasok sa kabilang linya si Parocha na nagresulta ng head collision kay Bulauan.

Agad na isinugod sa pagamutan ang mga biktima ng rumespondeng otoridad ngunit idineklara ang dalawang tsuper na wala ng buhay habang maswerte namang nakaligtas ang angkas ni Parocha matapos ang insidente.

Nagpaalala naman ang pulisya sa publiko na sundin ang batas trapiko para maiwasan ang hindi inaasahang aksidente.

Facebook Comments