
Kinumpirma ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na nasa loob pa rin ng barkong nakadaong sa South Korea ang 20 Filipino seafarers na sakay ng barkong nahulihan ng tone-toneladang cocaine.
Ayon kay Cacdac,hindi naka-detain ang naturang Pinoy seafarers at wala ring kasong isinampa laban sa kanila.
Kinumpirma rin ni Cacdac na nagbigay na ng abogado ang shipping company para umalalay sa mga Pinoy habang nagpapatuloy ang imbestigasyon laban sa kanila.
Magbibigay din aniya ang DMW ng collaborating counsel para sa Pinoy seafarers.
Tumanggi ang kalihim na idetalye ang takbo ng depensa at ng imbestigasyon ng South Korean authorities.
Idinagdag ni Cacdac na tuloy-tuloy naman ang pagbibigay ng shipowner ng sahod at allotments sa mga naka-hold na Pinoy seafarers at sa kani-kanilang mga pamilya.