200 Pinoy nurse sa New York, wagi sa isinampang human trafficking case

Nakamit ng 200 Pinoy nurse ang hustisya matapos silang paboran ng korte kaugnay sa kasong isinampa laban sa kanilang abusadong amo sa New York, United States.

Sinampahan ng reklamo ni Rose Ann Paguirigan noong Marso 2017 ang may-ari ng Sentosa Care dahil sa paglabag sa Trafficking Victims Protection Act (TVPA).

Ayon sa ulat, isa si Paguirigan sa mga Pilipino nurse na nakaranas ng “terrible work conditions” habang nagtratabaho sa Sentosa Nursing Homes.


Nakasaad din sa pinirmahang kontrata ng nurse na maari lamang siyang umalis kapag nagbayad siya ng multang $25,000 o 1.3 milyong piso.

Sa ebidensiyang isinumite ng complainant, nakitang hindi sila binabayaran ng suweldo base sa pinirmahang kontrata.

Binabantaan at tinatangkan pa umanong saktan ng mga recruiter ang mga nurse na gustong umalis sa kompanya.

Sa 20-pahinang desisyon ni US District Judge Nina Gershon, napatunayang nagkasala ang negosyanteng sina Benjamin Lada at Bent Philipson.

Ayon pa kay Gershon, iligal ang penalty na ipinataw ng mga may-ari ng nursing home.

Sa kasalukuyan, inaayos pa ang babayarang danyos ng Sentosa Care sa mga naaping nurse.

Facebook Comments